Chocolates
Ryan Magtibay
Namulat ako’t nakitang maliwanag ang paligid. Ilang araw na bang
nakaraan bago ko muling nasilayan ang hiwagang dulot ng kagandahan ng kwarto
kung nasaan ako? Halos makalimutan ko na kung gaano kataas ang la mesang
kinalagyan namin. Halos nakalimutan ko na kung anong hitsura ng mga
pampaganda’t pabangong nasa aming tabi. Halos nakalimutan ko na kung gaano
kaliwanag ang paligid ko noong una ko siyang nasilayan.
Sumilip ako sa kanan tapos ay sumilip sa kaliwa. Wala ang may-ari sa amin.
Dahan-dahan akong tumayo. Nakangiti. Nagagalak. Naguumapaw sa tuwa. Kung may
isang bagay man akong ipinasasalamat sa Diyos, yun ay ang paglagay niya sa
aming dalawa nang magkatabi sa kahong punong-puno ng mga tsokolate – tila kami
nga’y para sa isa’t-isa.
Bago ang pagkakataong ito kung saan nasilayan naming muli ang kagandahan
ng mundong ipinagkakait sa amin ng kahong nagmimistulang tahanan namin, naging
malapit kami sa isa’t-isa. Wala ka naman kasi talagang makikitang iba. Pero
alam ko ang eksaktong tunog ng boses niya. At dahil magkatabi lang kami, kahit
walang pagkakataon para masilayan ko ng buong-buo ang kanyang anyo, kahit
papaano, alam kong nandun lang siya sa tabi ko. Nakikinig. Nakikitawa.
Nakikiiyak. Sa bawat kwentong pinagsaluhan namin, at sa bawat salitang
namumutawi sa aming bibig, mas naging isa ang mga sandaling aming tinamasa.
Ewan ko pero ang alam ko, sa isa sa mga pagkakataong napaiyak niya ako sa
sobrang tuwa – hindi dahil sa tawa ako nang tawa kundi dahil sa isang matamis
at tila nakakaadik na kasiyahan – nahulog ako sa kanya.
Tinitigan ko siya. Pareho kaming white chocolate. Dalawa sa
tanging limang nasa kahong ito – at tanging dalawa na naging magkatabi. Siya
rin ang una kong nakausap noong nadala kami sa bagong lugar na ito. Regalo ata
kami ng isang makisig na lalaki sa binibining pinili kaming hindi kainin kaagad
upang maalala niya ng mas matagal ang pag-ibig na aming itinatanghal. Tumingin
akong muli sa kanya. Kung isa ka lang simbolo ng pag-ibig ng iba, possible bang
maramdaman mo rin ang pakiramdam ng pagmamahal? Tumingala ako sa langit. Tapos
tsaka ako nagpasalamat.
Inamin ko sa kanya ang lahat-lahat kagabi. At sa tila perpektong mundo,
pagkagising ko, heto’t binigyan kaming pagkakataong muli upang silayan at
mahagkan ang isa’t-isa. Di na lamang boses o anino. Di na lamang makukulong ang
pagmamahal na ito sa isang pag-aasam.
Nagising siya’t sandaling napuwing ng ilaw. Magaslaw siyang tumayo
habang tangan ang isang nagugulumihanang mukha. Tumingin siya sa akin at
bahagyang napangiti. Iniabot ko ang aking kamay patungo sa kanya.
Napatingin siya sa kanan. Nagsimula na rin kasing magtayuan ang iba pang
tsokolate. Pinagmasdan niya ang isang tsokolateng hugis kahong pahaba – isang dark
chocolate. Tumayo iyon at ngumiti. Magalang na binati ang mga katabi at
napatingin sa white chocolate na katabi ko. Sandali lamang ang nangyari
ngunit napangiti nito ang katabi ko.
May isa pang babaeng dark chocolate ang lumapit sa tsokolateng
hugis pahaba. Sandali silang nagkwentuhan na natapos sa isang tawanan. Tila
napagdesisyunan nilang puntahan ang pinagtawanan at nagsimulang maglakad
patungo sa dulo ng kahon. Sinundan siya ng tingin ng aking katabi at matapos
ang ilang hakbang nila’y sumunod siya.
Nilapitan ng katabi kong white chocolate ang pahabang tsokolateng
kasama ang babaeng dark chocolate ay pinagtatawanan ang isa sa mga
tsokolateng iniwan lang na may kagat at hindi inubos. Matapos ang ilang malakas
na halakhak ay umalis din kaagad ang babaeng iyon upang tawagin ang iba pang
tsokolateng kaibigan para masilayan at mapagtawanan rin ang kanilang
pinagkatuwaan.
Pagkaalis ng babae’y lumapit ang naging katabi kong white chocolate at nagjoke. Isa iyon sa mga joke na pinagsaluhan namin noong nakasara pa yung
kahon. Natawa yung pahabang tsokolate at nagsimula silang mag-usap. Nagjoke pa
ulit yung una at lalung natawa yung huli. Hindi ko alam kung kailan sila
tumigil mag-usap matapos nun ngunit naging tila bingi sila sa ingay ng iba pang
tsokolate at masayang kinilala ang isa’t-isa. Nagbigayan sila ng ilang payo sa
pagsayaw at pinuri ang talento ng isa’t-isa. Nag-usap rin sila tungkol sa
kanilang mga paboritong bagay – mula sa pagkain hanggang sa musika. Bawat
salitang pinagsasaluhan nila’y nakakadagdag sa ngiting nabubuo sa kanilang mga
bibig. Bawat tawa’t bawat halakhak ay tila mas nagpapakisalap sa kanilang mga
mata.
Nang marinig ng lahat ang pagbukas ng pinto ng kwarto ay isa-isa nang
nagbalikan ang mga tsokolate sa kanilang lugar. Hinawakan ng naging katabi kong
white chocolate ang kamay ng pahabang tsokolate. Mula sa kanilang mga
kamay, gumapang ang kanyang tingin papunta sa mata ng pahabang tsokolate.
Lumapit ang kanyang mukha at ngumiti – isang ngiting sinuklian ng tila
naguumapaw na kaligayahan ng pahabang tsokolate. Dahan-dahan silang naglakad
papunta sa isa sa mga butas kung saan kasya ang mga tsokolate. Kumuha ng
espasyo ang pahabang tsokolate tapos ay tumingin sa naging katabi kong white
chocolate – hinihintay siyang kuhanin rin ang isa pang libreng espasyong
katabi ng pahabang tsokolate.
Hinintay ko siyang lumingon sa akin at magdalawang-isip.
Ngumiti lamang ang naging katabi kong white chocolate habang
nakatitig sa pahabang tsokolate at tumuloy papunta sa naturang espasyo.
Magkahawak-kamay at magkatitigan silang nagpaalam sa isa’t-isa at tsaka humiga.
Matagal bago ako umalis mula sa pagtitig. May mga luhang nagsisimulang
mag-ipon sa gilid ng aking mata habang tiningnan ko ang aking kamay na hindi ko
na naalis mula sa kaninang pag-abot ko sa kanya. Hindi ko alam kung anong
nangyari. Hindi ko na rin alam kung saan napunta ang mga ngiti.
Sandamukal na tanong ang nagpadaloy-daloy sa isip ko pero wala ni isa sa
kanila ang kayang magpaliwanag kung bakit may isang luha ang nakaligtas mula sa
aking mga mata.
Tiningnan ko ang may-ari sa amin na kararating lang at ngayo’y pumipili
na sa maraming masasarap na tsokolateng nasa harap niya – mga tsokolateng
simbolo ng isang pag-ibig.
Kainin mo na ko please. Please.
may reklamo?

