Prinsipe
Ryan Magtibay
May isang napakagwapong prinsipeng
may kahariang kasing lawak ng kalawakan at kayamanang kasing dami ng tubig sa
karagatan. Kasama ng kanyang perpektong pamilya na walang away o hinanakit sa
isa’t-isa kahit kalian, palagi siyang tumutulong sa mga mahihirap sa
pamamagitan ng pagbebenta ng mga bagay na talaga namang malaki ang sentimental value sa kanya para lang
pakainin ang mga taong walang makain, bigyan ng bahay ang mga taong walang
tirahan, at damitan ang walang damit. Abot sa langit ang kabaitan ng prinsipeng
ito na minsan nga iniisip ng marami kung bakit hanggang ngayon wala pa siyang
pakpak.
Isang araw, sinubukan niyang
maglakbay papunta sa isang islang wala sa mapa para gisingin ng halik ang isang
prinsesang may mukhang tatalo sa ganda ng kahit sinong babae sa balat ng lupa
at may katawang tataob sa kahit sino sa listahan ng FHM’s 100 Sexiest Women. Pagdating niya sa isla’y agad niyang
pinatumba ang isang malaking dragon ng buong tapang at lakas. Tapos, pinatulog
niya din ng isang suntok lang ang isang milyong bantay sa gate ng kastilyo. At pagkapasok niya dito, gamit ang taglay na
katalinuhang lampas sa kaya ni Einstein,
agad niyang na-solve ang puzzle na siyang susi sa pintuan ng hot na prinsesang gusto niyang pakasalan.
Pagpasok niya, nagsimula nang
tumugtog ang Everytime I Close My Eyes ni Babyface habang dahan-dahan siyang
lumalapit sa kamang kulay ginto at puno ng pinakamagandang klase ng diyamante
kung saan natutulog ang prinsesa. Pagdating niya sa kama’y nag-close up sa kanya ang camera at pinakita ang kanyang mga
matang nabighani at nahulog sa kagandahan ng babaeng natutulog sa kanyang
harapan. Isang ngiti rin ang kanyang pinakawalan (na sinabayan ng tili ng
kakiligan ng mga babaeng nanonood sa sinehan) bilang pagpapakita na sa mga
sandaling iyon, siya’y masaya. Sobrang saya.
Ilang segundo ang nakalipas bago
natapos ang close-up shot ng
prinsipe. Nag-wide shot na ulit.
Tiningnan ng prinsipe ang prinsesang nakahiga sa harap niya mula ulo hanggang
paa. Pinagapang nito ang kanyang kamay sa hita ng babaeng natutulog. Hinawakan
niya rin ang malulusog nitong suso tapos ay dahan-dahan na niyang inilapit ang
kanyang mukhang simputi ng ulap, sing kinis ng marble, at kasing lambot ng unan sa mukha ng prinsisesa (kung saan,
sa puntong ito’y muli na namang nagtiliian ang mga babae sa sinehan na nagtagal
ng halos limang minuto, walang hingahan, ganun ka-hardcore). Unti-unting binukas ng prinsipe ang kanyang mga labi na
simpula ng mga rosas (dahil dito’y bahagya ring nakita ang mga ngipin niyang
kumikinang pa sa kaputian) at unti-unting inilapat sa bibig ng prinsesa.
Kasabay nito tumunog ang Heaven ni Bryan Adams.
Unti-unting minulat ng babae ang
kanyang mga mata. Nakita nito ang perpektong prinsipe sa harap niya – ang
gwapo, mabait at, higit sa lahat, mayamang prinsipe. Isang paghihinayang ang
kanyang naramdaman. Tapos, napilitan siyang ngumiti.
Wala pang 5 seconds, kinarga na agad ng prinsipe ang prinsesa at, sakay sa
kabayong may kargadang kasing laki ng sa kanya, dinala niya ang prinsesa sa
kanyang kaharian. Sa buong paglalakbay nila, na inabot lang ng 13 minutes, 12 seconds, and 54 milliseconds,
kasi may kakayahang lumipad yung kabayo nung prinsipe kahit wala itong pakpak,
hindi nagsalita ni ngumiti ang prinsesa.
Pinakilala niya ang prinsesa sa
kanyang perpektong pamilya at ang kanyang buong angkan ay malugod naman siyang
tinanggap. Binigyan siya ng reyna, ina ng prinsipe ng isang ginto’t diyamanteng
kwintas na kasing mahal ng isang bansa. Binigyan siya ng hari ng isang kwarto
sa kahirian na kasing laki ng
Ngumiti lamang ang prinsesa. Pumasok
na siya sa kanyang kwarto at umupo sa kanyang
Dumating ang araw ng kasal ng
prinsipe at prinsesa, dalawang lingo mula nang matagpuan ng una ang huli sa
isang islang walang sa mapa. Ngunit bago pa ang araw na ito’y nagsiping na ng
paulit-ulit ang dalawa, kung saan sa bawat pagkakatao’y tumutugtog bilang background music ang Thinking of You ni Katy Perry. Hindi sumang-ayon ang tadhana sa kanilang dalawa kaya
naman hindi nagbunga ang mga pagsisiping na ito. Nguni’t ayos lamang sa
prinsipe. Tutal naman, kanya na ang babaeng pinakamamahal niya sa buong mundo,
maraming oras at panahon kaya di niya kailangang magmadali.
Pinuntahan ng prinsipe ang prinsesa
ilang oras bago ang kanilang kasal, kahit pa sinabi na sa kanya ng isang Feng shui master na malas yun. Nakaharap
ang prinsesa sa isang malaking salamin, suot ang kanyang wedding gown na gawa ng isa sa pinakarespetadong fashion designer sa kaharian nila.
Napakaganda nito. Lumapit sa kanya ang prinsipe.
“Ako na yata ang pinakamasayang tao
sa buong mundo ngayon.”
Ngumiti ang prinsesa at hinalikan sa
labi ang prinsipe. Matapos ay tahimik itong naglakad papunta sa isang la mesang
may mga kagamitan pang-make-up.
Nakangiting sinundan ng tingin ng prinsipe ang prinsesa. Tumingala siya sa
langit at nagpasalamat ng tahimik. Matapos ay masayang pumunta ang prinsipe sa
may pintuan, muling humarap sa prinsesang hindi siya pinapansin at nagsabi ng
“I Love You”. Tapos ay lumabas siya ng pinto, masayang-masaya.
Paglabas ng prinsipe’y napatigil ang
prinsesa at tsaka muling umiyak. Samantala, lumabas mula sa pagkakatago sa
kurtina ng isa sa mga malalaking bintana ang lalaking nakatayo sa hardin noong
unang araw ng prinsesa sa palasyo. Nakaputing plain T-shirt ito,
simpleng shorts na pambahay, tsinelas
at may magulong buhok. Siya yung lalaking nagtuturo ng mga bata na magbasa
paminsan para kumita. Nakita niya ang prinsesang umiiyak at malungkot siyang
napangiti siya. Nag-close up sa kanya
ang kamera at ipinakita nito ang mukhang kamukha ko at maraming taghiyawat.
Isang luha ang lumabas mula sa kanang mata ng lalaking ito bago siya tumingala.
Nag-wide shot. Makikitang nagdadasal
ng isang pasasalamat ang lalaki habang nakatingala. Matapos ay lumapit ito sa
prinsesa, niyakap ito, at hinagkan. Sa pagkakataong iyon, muling sumaya ang
prinsesa kahit alam niyang hindi ito magtatagal.
Kinasal ang prinsipe at prinsesa at
tinghal silang bagong hari at reyna ng kaharian. Sinundan ang kasalan ng isang reception na tumaob sa reception ng kasal nina Ruffa at Ylmaz. Sandamukal na bisita ang dumating – lahat mula sa
pinakamatataas na posisyon sa kung saan-saang bansa. Nagmistulang meeting ng world leaders ang reception sa dami ng VIP pero ayos lang. Masayang
masaya pa rin ang hari kahit na kalahati ng tao sa reception niya ay bodyguards. Sa katunayan, nagawa pa nga
niyang tumayo sa gitna ng venue, at
mag-alay ng kanta para sa kanyang minamahal – na narinig naman ng lahat dahil
may lapel mic ang prinsipe.
“Ako’y nabubuhay dahil sa iyong
pagmamahal,” ang wika nito habang nakaharap sa bago niyang reyna na may tinitingnang
isang lalaki sa likod ng kanyang asawa, nakatayo kasama ng ibang bisitang sa
mga sandaling iyon ay pumapalakpak.
Siyam na buwan ang lumipas ay isang
prinsipeng kamukha ng bagong hari ang isinilang. Lubos ang saya ng hari lalu
pa’t ilang taon ang nakalipas ay nasundan ng tatlo pang supling ang kanilang
panganay. Matapos maisilang ang bunso’y, hindi na nila ito sinundan (suggestion
kasi sa kanila ng isang family planning
expert) at masaya niyang pinamunuan ang kaharian, kasama ang kanyang
pinakamamahal na reyna.
Isang masayang kaharian at
makabuluhang pamumuno ang naibahagi ng hari sa kanyang mga nasasakupan kaya
naman nang dapuan ito ng sakit ay maraming nalungkot at muntik nang
magpakamatay. Ngunit tila hanggang dito na lamang talaga ang kwento ng hari
dahil hindi na ito bumuti pa sa kanyang sakit kahit pa si House, M.D. na ang gumagamot at nagdadiagnose sa kanya.
Gabi ng ika-apatnapu’t pitong
anibersaryo ng hari at reyna, sa kwarto ng una kung saan nakahiga ito sa
kanyang kamang kasing mahal ng Mona Lisa ni Da Vinci, habang hawak ng reyna
ang kanyang kamay, nagsimulang bumigay ang puso ng hari. Nakita ng reyna ang
unti-unting paghirap sa paghinga ng hari at naluha ito. Niyakap niya ito.
Hinagkan. At niyakap muli nang mas mahigpit.
“Naging masaya ang buhay mo,” sabi
ng reyna nang buong puso.
Tiningnan
siya ng hari sa mata nang buong lalim – tila sa maikling panahong iyo’y
naghintay ng isang katotohanan. Tinapos ang sandali ng isang masakit na pag-ubo
mula sa hari. Nang matigil ay makikita sa hari ang labis na kalungkutan kasabay
ng pagpigil nito sa mga luhang may dalang hinanakit at pagkaalam sa pagpatak
mula sa kanyang mga mata.
“Hindi
naman ako nabuhay eh, pano ako naging masaya?”
Tsaka
namatay ang isang napakagwapong prinsipeng may kahariang kasing lawak ng
kalawakan at kayamanang kasing dami ng tubig sa karagatan.
may reklamo?

