Culion Isang lalaki ang nagninilay-nilay sa isang parkeng kagulat-gulat na puno ng tao. Patuloy ang kanyang pagmamasid sa mga taong di naman namamansin at patuloy lamang ang pagtahak sa kani-kanilang buhay. Di inalis ng lalaking nakatunganga ang tingin sa mga taong naglalaro, naglalakad, kumakain, kumakanta, sumasayaw at kung anu-ano pa. Isang babae ang dumaan sa kanyang harapan na para bang aninong iyong nakikita sa tuwing nanonod ka ng mga piniratang pelikula. Sinabayan niya ng tingin ang lakad ng babaeng may katamtamang bilis. Biglaan at di inaasahan, isang lata ng mabaho at nakasusulasok na lata ng sardinas na puno ng Uranium 238 at 95% formalin ang kanyang tinapon sa kanyang harapan. Kumalat ang amoy at agad na namatay ang mga damo sa lugar na pinagbagsakan nito. Ngunit di naman talaga ito pinansin ng lalaking kanina pa tahimik na nagmamasid. Paano’y isa pang nakabibiglang bagay ang ibinato sa kanya ng tadhana. Nang sa loob ng isang segundo, simbilis ng pagkurap ng kanyang mata at di inaasahang tulad ng isang ulan sa maaraw na kalangitan, napagtanto niya ang isang bagay na kanina pa nakasambulat sa kanyang mukha. Dahil sa babaeng dumaan, bigla niyang napansin at bigla siyang nagtaka sa napaghinuhang bagay na tila di kapani-paniwala. Lahat sila naka-itim. Kahit yung babaeng nagtapon ng radioactive na kemikal sa daan. Lahat sila nakaitim mula taas hanggang baba. At ang lalaki, nakaputi. Tila may nagplano at nagdikta ng animo’y “costume” ng mga tao sa parke. At akalain niya pa nga, ang lalaki lang ang tumaliwas. At natuwa siya sa kanyang pagkakaiba. Nagalak siya sa isang bagay na dapat sana’y kanyang ipinagtataka. “Ako lang pala ang anghel,” ang sambit ng lalaking ngayo’y buong saya na ang pagmamasid. Kalaula’y namuhi ang lalaki dahil sa kanyang nahinuha. Namuhi siya sa lahat ng nakakulay itim. “Lahat pala sila parang yung babae,” sambit nito habang patuloy na binitawan ang ngiting kanina’y nakapaskil sa kanyang mukha. Naramdaman niya ang isang matindi at malalim na galit dahil naka-itim ang mga tao at bakit kagaya sila noong babaeng gumawa ng masama kanina lang at di tulad niyang tahimik na nagmamasid at ginagaya ang mga anghel. Katulad ng kanyang pagninilay-nilay, katulad ng mga damong kanina’y pinatay noong Uranium 238, tahimik pa rin siya. Ngunit umiikot at nananatili ang galit na ninanais nitong ilabas. Tumingin ulit siya sa lahat ng tao sa parke. Tama nga siya, lahat sila naka-itim at animo’y kulto ang dating. Dahang-dahan lumayo ang lalaki, piniling manahimik at umalis sa parkeng puno ng taong naka-itim. Nang makalayo siya ng may ilang talampakan, nakaramdam siya ng isang pagtawag ng kalikasan at dali-dali namang naghanap ng malapit na palikuran. Maingat itong pumasok sa loob ng kubeta, iniingatang madumihan ang kanyang puting damit na naiiba. Nang nagawa nitong makahanap at makapagplano ng akmang lugar at posisyon kung saan magagawa niyang dumumi ng di nadudumhan, agad itong nagbukas ng zipper. Nakatingin siya sa pader ng sinimulan niyang ibaba ang puting pantalong suot. Dahil kailangang mag-ingat, napayuko ito upang maiwasang sumayad ang kanyang puting pantalon sa lupa. Dito siya’y nagulat. Dito siya’y nagtaka. At dali-dali siyang nakaramdam ng pagtanggi. Naka-itim na brief siya.. Naka-itim rin pala siya.
Ryan Magtibay. 021908
5 ang nagreklamo


issa... (guest)
ryan (guest)
x.yl_of_teh_auroch (guest)

Culion? Sa Palawan?
ryan (guest)
hehe. produkto to ng kalungkutan pero masaya ako at naappreciate mo. salamat sa pagbasa!
x.yl_of_teh_auroch (guest)
