I started writing this a long time ago. Last year pa yata. Pero dahil sa hindi ko alam kung pano tatapusin, hindi ko tinapos. I saw it again last week as a stored, ignored, and forgotten file in my computer folder. I felt sad for not finishing it since I was able to start it off quite well already. Kaya ayan, binigyan ko na ng ending. At finally, mapopost ko na siya.
Trivia lang, this is the last of my "Sa Pisay" fiction stories. As in siya yung pinakahuli tapos hindi ko pa tinapos. Hehe. Hope you, the one reading this, would like it. :D
Sa Isang Gazebo sa PisayRyan Magtibay
Sa pagkakaalam ko, isang bagsak na longtest sa Physics, isang lab rep sa Biology na hindi na-print, isang nawawalang scientific calculator, at isang mahabang sermon mula sa isang gurong hindi ko naman kilala ang nagtulak sa akin para pumunta dito. Ewan ko ba. Para kasing sa dinami-dami ng mga tao sa mundo eh ako pa ang napili ng tadhana na bwisitin sa araw-araw.
Kaya tulad ng dati, andito ako ulit at nakaupo sa isang gazebo – yung pinakamalayong gazebo mula sa back lobby ng SHB. Gusto kong sumigaw pero wala rin naman kasing papansin. Kahit pa siguro magpakamatay ako dito ngayon na eh walang may pakialam. Baka nga sigawan pa nila ako ng isang tumataginting na: “Weh! Papansin!”. Ewan ko ba naman kasi kung bakit bukod sa maraming masasamang bagay na dinudulot niya sa buhay ko ay pinili rin ako ng tadhana na maging isang taong kulang na nga sa pansin eh wala pang pumapansin.
Siguro, kung tao lang ang tadhana, napatay ko na siya. Ewan ko ba naman kasi kung bakit hinayaan niya pa akong mabuhay kung gagawin niya lang namang isang nakagigimbal na panaginip ang buhay ko. Hindi ka na nga katalinuhan, bano pa sa larangan ng pampalakasan at madalas ay malas pa sa araw-araw, ginawa ka pang isang taong walang kaibigan. Hay. Ang sarap niyang sipain.
Sa dami at bigat na marahil ng dinadalang emosyon ng utak ko, ay hindi ko na rin nakayanan at napasandal ako sa posteng humahawak sa bubong ng gazebo. Oo, nakaupo ako sa may lamesa at hindi sa upuan. Sa mga pagkakataong ito, wala na akong pakialam kung may sisita sa akin. Sa dami na ng nangyaring masama, hindi na rin makakaapekto yun.
Sa pagsandal ko ay may kung anumang tumusok sa likod ko. Sa pagaakalang isang insekto iyon ay agad akong lumingon. Ngunit hindi isang kulay berde o kaya’y itim na hayop ang nakita ko, kundi isang kulay rosas na pitaka. Halata mo naman kaagad na isang babae ang nagmamay-ari nun dahil na rin sa maraming mga bulaklak na mistulang disenyo nito. Binuksan ko ang pitakang iyon, nguni’t hindi para nakawin o kung anuman ang nasa loob nito. Sa halip, binuksan ko iyon upang malaman kung mayro’ng kung anuman sa loob na maaaring magbigay ng impormasyon sa kung sino ang may-ari ng naturang pitaka.
Sa pagbukas na iyo’y sumambulat sa akin ang napakaraming larawan. Larawan ng isang lalaking kailanman ay hindi ko ianaasahang makita sa isang pitakang kulay rosas at pagmamay-ari ng isang babae.
Ako ‘to ah!, ang walang-tunog na sambit ng aking mga labi kasabay ang malakas na pagtibok ng aking puso. Nasa harap ko ngayon ang napakaraming larawan ko na hindi ko alam kung paano napapunta rito. May mga larawang hindi ko alam kung kelan kinuha at kung paano. Mayroong kinuha habang natutulog ako sa may front lobby, habang nag-aaral ako sa may library, habang naglalakad ako papunta sa gym, habang papaakyat ako sa may 2nd floor ng ASTB at marami pang iba.
Mabilis na nag-isip ang utak ko. May nagkakagusto sa’kin?, ang mabilis na tanong nito sa akin. Aba malay ko. Hindi naman marami ang nagkakakilala sa akin at wala naman talaga ako noong tinatawag ng iba na barkada. Bukod sa mga kaklase ko, wala nang ibang nakakapansin na nabubuhay pala ako.
Sa kasamaang palad, wala ring kahit na anong laman ang pitaka na maaaring magsabi sa akin kung sino ang may-ari nito. Anong gagawin ko ngayon dito? Nakakahiya naman kung malaman ng may-ari nito na nakita ko ang laman ng pitaka niya. Baka mailang siya sa ‘kin. Dapat siguro hindi niya na lang malaman na ako ang nakakita. Kung sino man siya, kahit hindi ko na siya makilala, napasaya niya na ako.
Tumingala ako at nagbuntung-hininga. Akalain mo. Sa mga panahong akala mo ikaw ang pinakapanget at pinakawalang-kwentang tao sa buong mundo, biglang may magkakagusto sayo. Sa mga pagkakataong gusto mong patayin ang tadhana dahil sa mga pinaggagagawa niya sayo, bigla na lang siyang babawi sayo. Akalain mo.
Pumunta na ako noon sa Registrar’s Office para isuko ang pitakang nagbalik sa akin ng aking matagal-tagal na ring nawawalang kumpiyansa sa sarili. Buong ngiti ko iyong inabot sa babaeng nangangasiwa sa “lost and found.” Buong puso kong sinabing, “Miss, nakita kop o ‘to sa may gazebo. May nakawala po ata.”
“Aba, salamat iho. Gusto mo bang ipaalam sa may-ari nito kung sino ang nakakita at buong tapat na nagsauli?,” ang nambobolang tanong ng babae.
“Ito namang si miss. Hindi na po,” ang aking tugon.
“Ikaw rin, babae ang may-ari nito sigurado. Malay mo,” ang nagingisi nitong sagot.
Natawa na lang ako at muling umiling tsaka naglakad papunta sa pinto palabas. Si miss talaga. Kung alam niya lang. Sa pagbukas ko ng pinto, isang babae ang aking nakasalubong. Tiningnan niya muna ako ng may halong pagkagulat at pagtataka tapos ay patuloy ng pumasok sa loob. Sa pagkakatanda ko, siya yung sinasabi ng kaklase ko na pinakamaganda sa batch namin. Sandamukal nga daw yung nagkakagusto sa kanya eh. Heartthrob kumbaga. Ang swerte ko naman. Nakasalubong ko pa siya!
Palabas na sana ako ng pinto ng narinig ko ang tinig ng babaeng kakapasok lang.
“Miss, may nagbalik po ba ng wallet dito? Nawawala ko po kasi yung akin eh. Kulay pink po yun na may mga flowers.”
Ibang klase bumawi ang tadhana.
6 ang nagreklamo

